Umabot na sa 53 ang naitalang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa lalawigan ng Pangasinan mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, ayon sa ulat ng Provincial Health Office (PHO).
Ito ay mas mataas ng 26% kumpara sa 42 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Dr. Ma. Vivian V. Espino, Officer-in-Charge ng PHO, karamihan sa mga lugar na kanilang binabantayan ay ang 3 mga lungsod sa lalawigan na kanilang sakop maliban sa Dagupan City.
Sinabi niya na ang Urdaneta City ang may pinakamataas na bilang ng kaso na may 13, kasunod ang San Carlos City at Mangaldan na may 8 kaso bawat isa, Malasiqui na may 5, Lingayen na may 4, at Alaminos City na may 3.
Sa datos mula 1984 hanggang sa kasalukuyan, ang Urdaneta City ay may naitalang 164 na kaso, San Carlos City na may 133, Lingayen na may 111, Mangaldan na may 96, Malasiqui na may 94, at Alaminos City na may 87.
Paliwanag ni Dr. Espino, ang mataas na bilang ng kaso sa mga nabanggit na lugar ay maaaring dahil sa mataas na populasyon at aktibidad, lalo na sa gabi.
Dagdag pa niya, ang pinakabatang kaso ng HIV sa Pangasinan ay 5 taong gulang ngunit hindi pa tukoy kung saan nito nakuha habang ang pinakamatanda ay 68 taong gulang. Mas marami rin ang bilang ng mga lalaking may HIV kumpara sa mga babae.
Ibinahagi pa nito na may isang indibidwal na anf namatay dahil sa HIV na humantong sa AIDS, sanhi sa pagkalat ng virus.
Kaugnay nito na ang sanhi ng pagkakaroon HIV ay maaaring makuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki, pakikipagtalik sa magkaibang kasarian nang walang proteksyon, at iba pa.
Ipinaliwanag na ang HIV ay isang uri ng virus na nakukuha sa anal at vaginal sex, paggamit ng parehong karayom, syringe, at iba pang kagamitan sa pag-inject.
Naipapasa rin ito sa pamamagitan ng ilang body fluids tulad ng dugo, semen, pre-seminal fluid, rectal fluid, at vaginal fluid, na nagdudulot ng sakit lalo na kapag pumasok sa mucous membrane, tissue, o sugat, at kapag na-inject at pumasok sa daluyan ng dugo.
Dahil dito, patuloy ang pagsisikap ng PHO na magbigay ng edukasyon at impormasyon tungkol sa HIV/AIDS upang maiwasan ang pagdami at pagkalat nito.
Nakikipagtulungan sila sa iba’t ibang organisasyon at ahensya upang palakasin ang kampanya laban sa HIV/AIDS sa Pangasinan, kabilang ang pagbibigay ng libreng HIV testing at pagtuturo tungkol sa ligtas na pakikipagtalik.
Binigyang-diin ni Dr. Espino ang kahalagahan ng regular na pagpapa-test upang malaman ang estado ng kalusugan at makapagbigay ng agarang lunas kung kinakailangan, tulad ng antiretroviral therapy.
Nilinaw niya na kapag ang isang tao ay nahawaan ng HIV, habambuhay na niya itong dala ngunit sa pamamagitan ng tamang paggamot, maaaring mabawasan ang virus sa katawan, kahit hindi ito tuluyang mawala, at maaari pa namang mamuhay nang normal ang isang taong infected.
Samantala, pinaalalahanan ng PHO ang publiko na ugaliing gumamit ng condom sa pakikipagtalik o iwasan ang pakikipagtalik sa iba upang hindi madagdag sa mga kaso ng HIV sa lalawigan.