DAGUPAN CITY- Kabilang na ang mga mangingisda sa mga benepisyaryo na makakabili ng P20/kilo na bigas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Roberto Ballon, Chairperson ng Katipunan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, ikinatutuwa nila ito dahil malaking tulong na rin para sa kanilang pagtayo mula sa pagkalugi.
Gayunpaman, mas ikatutuwa umano nila kung hindi lamang mga mangingisdang miyembro ng 4Ps ang mapapamahagian kundi, maisama rin ang mga napinsalang mangingisda.
Sinabi naman ni Ballon na pili lamang ang mga lugar na mabibigyan ng mababang presyo ng bigas.
Nanawagan naman siya sa mga kapwa mangingisda na magparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang matiyak na mabigyan ng benepisyo kahit nasaan man sila.
Pinaigting na rin nila ang pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), upang matulungan ang kanilang sektor at maibsan ang matinding kahirapan sa kanilang hanay.