DAGUPAN CITY- Pagkakataon umano para sa pagbusisi sa 2026 National Budget ng bansa na kalampagin ang mga anumalya sa mga proyekto, partikular na sa Flood Control Projects.

Kwestyonable para kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang paglala ng mga pagbaha sa bansa kahit pa man na may bilyon-bilyon budget na inilaan sa naturang proyekto ng kasalukuyang Administrasyon.

Aniya, dapat lamang sagutin ng Department of Public Works and Highways (DPWH), bilang ang primary implementing department, kung bakit nakalusot sa kanilang evaluation ang mga proyektong may pagkukulang.

--Ads--

At patuloy pa rin nabibigyan ng proyekto ang mga contractors na ‘problematic’ ang kinakalabasan sa kanilang gawa.

Dahil dito ay nagdulot lamang ng malaking pasanin sa mga Pilipino ang hindi natutugunang pagbaha, lalo na sa mga bahagi ng may mga negosyo at agrikultura.

Giit niya, na dapat itong mabantayan sa pagdinig upang hindi lamang sa katiwalian mapakinabangan ang budget ng bansa.

Dapat din na makitang sumentro ang pagdinig sa pagtugon ng mga suliraning labis nakakaapekto sa pangkabuhayan ng mga mamamayan at gayundin sa pagpapalakas ng serbisyong pampubliko, katulad ng health care system at edukasyon.

Maliban pa sa mga nabanggit, kailangan matiyak na umaayon din sa mga balangkas ng plano ng pangulo na kaniyang nabanggit sa ika-apat na State of the Nation’s Address (SONA) ang paggasta sa National Budget.

Kabilang na sa mga ito ang pagpapalakas ng trabaho at ekonomiya ng bansa.