DAGUPAN CITY- Tiniyak ng mga otoridad ang kaligtasan ng University of Pangasinan sa Dagupan City matapos makatanggap ng bomb threat kamakailan.

Agad na rumesponde ang mga kinauukulang ahensya upang masiguro ang seguridad ng buong campus, dahilan upang mabilis na maibalik ang normal na operasyon ng paaralan.

Ayon kay Plt. Trisha Mae T. Guzman – PIO,, Pangasinan Police Provincial Office, nakapagtala na ng ilang insidente ng bomb threat sa lalawigan, maaaring verbal o written na lahat ay agad na natutugunan ng mga awtoridad.

--Ads--

Sa isinasagawang imbestigasyon, lumalabas na ang suspek ay gumamit ng social media account na posibleng dummy account na ginawa at ginamit lamang sa parehong araw ng pag-post ng pagbabanta.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng taong nasa likod ng naturang banta, lalo na at nakapagtala pa ito ng iba pang kahalintulad na post.

Bagaman may mga sistema upang matunton ang IP address, lokasyon, at device na ginamit, nananatiling masusi ang pagsusuri dahil maaaring iba-iba ang resulta ng tracing gamit ang teknolohiya.

Binigyang-diin ng mga otoridad na hindi biro ang pagpapakalat ng bomb threat, verbal man o written, dahil malinaw itong paglabag sa batas.

Ang sinumang mapatunayang responsable ay maaaring makulong nang hanggang limang taon, bukod pa sa karampatang multa depende sa kaso.