DAGUPAN CITY- Inilunsad ng San Jacinto PNP, ang San Jacinto Emergency Response Center (SJERC) bilang sentrong tututok sa mabilis at koordinadong pagtugon sa mga insidente sa bayan.
Ayon kay PMaj. Napoleon Velasco, Chief of Police ng San Jacinto PS, bahagi ito ng pagsuporta sa direktiba ng pambansang pulisya na magkaroon ng limang minutong response time sa mga emergency.
Kalakip ng pagbubukas, namahagi ng radio communication units ang SJERC—isa para sa bawat barangay, at tig-iisa para sa Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Rural Health Unit (RHU).
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa mga ahensya ng pamahalaan at mga barangay.
Isinagawa rin ang oryentasyon ukol sa wastong paggamit ng radyo, tamang pakikipagkomunika, at mga patakaran sa pagtanggap at pag-eskalate ng mga insidente sa kaukulang tanggapan.
Tinalakay rin ang mga prinsipyo ng pagpapaigting ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya, pagbibigay-priyoridad sa mabilisang aksyon, at paggamit ng malinaw na komunikasyon sa panahon ng emerhensiya.
Itinatag ang SJERC upang tiyaking matatanggap at matutugunan sa lalong madaling panahon ang bawat ulat ng aksidente o insidente, na may layuning mapababa ang epekto nito sa mga residente ng San Jacinto.