DAGUPAN CITY- Isa sa mga nakikitang dahilan ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pagtaas ng presyo ng mga produktong gulay sa merkado ay ang malawak na iniwang pinsala ng nagdaang mga bagyo sa mga taniman.

Gayunpaman, sinabi ni Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kailangan magkaroon ng monitoring mula sa gobyerno upang hindi umabot sa overpricing ang pagtaas.

Aniya, hindi naman nawawala ang kakapusan sa suplay subalit, wala naman nagbago sa logistics upang magkaroon ng masyadong mataas na presyo sa pamilihan.

--Ads--

Malinaw na may umiiral na pananamantala kung umaabot na sa triple ang presyo ng mga ito.

Kung tutuusin din, ang dobleng pagtaas presyo ay nakikitaan pa rin nila ng pananamantala.

Inaasahan naman ni Cainglet na magiging ‘stabilized’ ang presyuhan at magbabalik normal na ang produksyon sa loob ng tatlong linggo -panahon na nakapagtanim na muli ang mga magsasaka.-

Samantala, nakatanggap na ng tulong ang mga magsasakang nasalanta.

Umaasa ang SINAG na mabibigyan din ang mga ito ng insurance upang makabawi sa pagkalugi simula sa puhunan.