Dagupan City – ‎Nakitaan ng bahagyang pagtaas sa presyo ang ilang pangunahing produkto sa mga pamilihan, kabilang na ang repolyo at ilang rekadong karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na pagluluto sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa mga palengke sa Dagupan, Urdaneta at iba pang bahagi ng lalawigan, tumaas ng lima hanggang sampung piso kada kilo ang presyo ng repolyo.

Mula sa dating 70 pesos kada kilo, umaabot na ito ngayon sa 75 hanggang 80 pesos depende sa kalidad.

Ayon sa ilang nagtitinda, ang pagtaas ng presyo ay bunsod ng kakulangan sa suplay mula sa mga sakahan sa lalawigan at karatig probinsya. Bukod pa rito, nakaapekto rin umano ang pabago-bagong panahon sa ani ng mga magsasaka.

Bagama’t hindi pa ito itinuturing na malaking paggalaw sa presyo, ramdam na ito ng mga mamimiling araw-araw umaasa sa murang rekado para sa kanilang ulam at kabuhayan.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang price monitoring ng mga lokal na opisyal sa mga pangunahing pamilihan sa Pangasinan upang masigurong hindi mapagsamantalahan ang mga mamimili sa gitna ng umiinit na isyu sa presyo ng mga bilihin.