Sa panahon ngayon, naging mas madali ang pagpapahayag ng opinyon at impormasyon sa pamamagitan ng social media at iba pang online platforms.
Ngunit kasabay nito, tumataas din ang mga kaso ng cyber libel isang uri ng paglabag kung saan inilalathala ang mga hindi makatotohanang salita na nakakasira sa pangalan ng isang tao.
Ayon kay Atty. Joey Tamayo, ang cyber libel ay ang paglalathala ng hindi totoo at nakakasirang pahayag sa online na plataporma.
Aniya kung ang nilalathala ay hindi totoo, maaari itong pagmulan ng kasong cyber libel ngunit, kung totoong may utang ang isang tao at ito ay inilathala, hindi ito maituturing na cyber libel dahil may batayan ang pahayag.
Gayunpaman, paliwanag niya na may mga pagkakataon na nakakalimutan o hindi alam ng ibang tao na may utang talaga sila, kaya nagkakaroon ng maling akusasyon.
Kung talagang may utang ang isang tao, mas mainam na idaan ito sa tamang proseso tulad ng pagdemanda o pag-uusap sa barangay upang maresolba ang isyu.
Ipinaliwanag din ni Atty. Tamayo na maaaring gamitin bilang ebidensya ang screenshot ng post o ang conversation ng mga taong sangkot sa reklamo para suportahan ang kaso ng cyber libel.
Sa huli, pinayuhan niya ang lahat na maging maingat sa paggamit ng social media dahil maaaring magamit laban sa kanila ang mga inilalathalang salita.