Ipinahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang kanilang suporta sa mga inilatag na solusyon ng Senado upang tugunan ang matagal nang suliranin sa classroom backlogs sa bansa, subalit binigyang-diin din nila ang pangangailangang mapanagot ang mga nasa likod ng umano’y katiwalian sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladimer Quetua, Chairperson ng ACT Philippines, na bagama’t may pondong inilaan para sa mga silid-aralan, kadalasang hindi ito buo o sapat na naipatutupad dahil sa umano’y korapsyon at iregularidad sa procurement at budgeting process.
Aniya, hindi lamang milyon kundi bilyong piso ang nasasayang sa mga ganitong iregularidad.
Hinihimok naman nito ang publiko na hindi lang dapat imbestigahan ang mga isyung ito, kundi dapat ay may managot.
Bagama’t patuloy ang pakikiisa ng ACT sa mga committee hearings at imbestigasyon sa Kongreso, binigyang-diin nila na mas malaki ang pag-asa kung magkakaisa at magiging mas maingay ang mamamayan sa panawagang pananagutan.
Samantala, iginiit din ng grupo niya na hindi epektibong solusyon ang paglalagay ng barangay tanod sa mga paaralan bilang tugon sa krimen at disiplina ng kabataan.
Bagkus dapat malaman kung saan nanggagaling ang problema kahirapan, kakulangan sa edukasyon, at iba pa.
Panawagan ng ACT, dapat ay tuloy-tuloy ang edukasyon sa mga kabataan, at hindi lamang pansamantalang solusyon ang ibinibigay ng pamahalaan.
Sa huli, hinimok ng grupo ang mamamayan na maging mapagmatyag, kritikal, at aktibo sa paniningil ng pananagutan mula sa mga nasa kapangyarihan.