DAGUPAN CITY- Dapat umanong bigyan linaw ng Commission on Electios (COMELEC) kung bakit hinayaan nito na maging contractors sa mga proyekto ng gobyerno ang ilang mga party-list representatives.
Ayon kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kabilang na sa nasabing contractors ay ang Sunwest, Inc. na may kaugnayan sa Ako Bicol Partylist.
Aniya, hindi na nila ito ikinagulat dahil sa kanilang mga datos, lumalabas na ilan sa mga party-list ay mga malalaking negosyante.
Pinopondohan na rin kase ng mga contractors ang pagtakbo ng mga party-list upang magbakasakaling paburan sila sa hinaharap na mga proyekto.
Giit ni Arao, dapat repasuhin na ang party-list system at matiyak na tunay na kumakatawan para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Saad pa niya, kontra lamang sa interes ng mga mahihirap ang pagtakbo ng mga malalaking negosyo dahil poprotektahan lamang ng mga ito ang kanilang sariling interes.