DAGUPAN CITY- Umani ng batikos mula sa netizens ang isang vlog ng content creator na gumawa ng “Can’t Say No challenge” kasama ang mga batang may autism, dahil sa hinalang “spoiling” at kakulangan sa tamang pag-handle ng tantrums.
Ipinaliwanag ni Elaine Estrada, presidente ng Dagupan Autism Society Incorporated (DASI), na mula sa pananaw ng mga neurotypical, maaaring magmukhang pang-ispoil ang pagbibigay agad ng gusto ng bata, ngunit sa konteksto ng autism, maaari itong maging therapeutic dahil nakikipag-cooperate ang bata.
Dagdag pa niya, may ilang magulang na gumagamit ng reward system kung saan kailangang may gawing gawain ang bata bago makuha ang gusto.
Naka depende aniya sa interpretasyon kung ito ay spoiling o bahagi ng intervention.
Sa usaping vlogging, binigyang-diin ni Estrada na kung para sa awareness o inclusion ang layunin, maaaring makatulong ito.
Ngunit kung sinabi ng magulang na hindi kailangan ng bata ang isang bagay, dapat makinig ang content creator.
Ayon pa sa kanya, hindi porke nagtantrums ang bata ay dapat ibigay agad ang hinihingi.
Para kay Estrada, mahalaga raw isaalang-alang ang epekto at tamang proseso ng pagbibigay ng reward, bilang bahagi ng pagtuturo sa kanila na may dapat munang gawin bago makuha ang nais.