Tiniyak ng Pamana Water Dagupan City na ginagawa nila ang lahat ng hakbang upang matiyak ang ligtas, malinis, at sapat na suplay ng tubig sa lungsod, sa kabila ng mga reklamong natanggap kamakailan mula sa ilang barangay.

Ayon kay Marge Navata, tagapagsalita ng Pamana Water, pangunahing mandato ng kanilang kumpanya ang maghatid ng tubig na ligtas inumin.

Tiniyak niya na regular na sumasailalim sa pagsusuri ang kanilang suplay sa pamamagitan ng kanilang sariling laboratoryo, upang masigurong walang bakterya at ligtas para sa mga konsyumer.

--Ads--

Dagdag pa niya, agad na nagpapadala ng fieldworkers ang Pamana Water sakaling makapagtala ng mga reklamo gaya ng discoloration ng tubig, maalat na lasa, o kahinaan ng pressure.

Nitong mga nakaraang araw, may mga ulat silang natanggap kaugnay sa ganitong mga isyu kaya’t agad nilang tinutukan at inaksyunan.

Isa naman sa mga naging hakbang ng Pamana Water ay ang agarang pagrarasyon ng tubig sa mga apektadong barangay, lalo na sa mga island barangay kung saan mas limitado ang access sa linya ng tubig.

Samanatala, para sa pangmatagalang solusyon, sinabi ni Navata na kasalukuyang isinasagawa ang konstruksyon at testing ng bagong pumping station sa Barangay Carael.

Layunin nito na mas mapabuti ang daloy ng tubig at maabot ang mas maraming lugar sa Dagupan City.

Sa kabila ng mga hamon, binigyang-diin nito na sa loob ng limang taon ng operasyon ng Pamana Water, ay hindi pa rin sila nagtataas ng singil sa tubig.

At tuloy-tuloy kanilang pag-iisip at pagpaplano upang maibigay ang serbisyo sa tubig na nararapat sa kanilang mga konsyumer.