DAGUPAN CITY – Inihayag ni US president Donald Trump na susubukan niyang mabawi ang ilang teritoryo para sa Ukraine sa kanyang nakatakdang pulong kay Russian president Vladimir Putin sa darating na Biyernes.
Nakatakda silang magdaos ng pag-uusap sa Alaska sa pagtatapos ng linggo.
Iginiit ni Trump na malalaman niya agad sa loob lamang ng dalawang minuto ng kanilang pagkikita kung posible ang anumang progreso.
Sinabi niyang ang pag-uusap nila ay may layuning hikayatin si Putin na wakasan na ang digmaan na nagpapahiwatig na maaaring ituring lamang niya ang pagpupulong bilang isang unang hakbang.
Hindi ito ang unang beses na ginamit niya ang pariralang land-swapping, kahit hindi malinaw kung anong lupain ang maaaring ibigay ng Russia sa Ukraine.
Sinabi rin ni Trump na kahit maganda ang samahan nila ni Ukrainian president Volodymir Zelensky, ay hindi siya sang-ayon sa mga ginawa ng pangulo ng Ukraine.
Dati na rin niyang sinisi si Zelensky sa pagsiklab ng digmaan sa Ukraine, na nagsimula noong Pebrero 2022 nang buong lakas na salakayin ng Russia ang bansa.
Samantala, sinabi ni Kaja Kallas, bise-presidente ng European Commission, na nais ni Putin na bumalik sa lumang paraan ng paghahati ng mga teritoryo sa kanyang pakikipag-usap kay Trump.