DAGUPAN CITY – Inalis sa merkado ang sikat na cookies na gawa ng isang kilalang Belgian chocolate company dahil sa nakamamatay na sangkap na hindi nakasaad sa label ng produkto.

Ini-recall ng Neuhaus Chocolates ang kanilang produktong Belgian Chocolate Moments Smurfs Popping Milk Chocolates with Cookies matapos matuklasang naglalaman ito ng wheat (trigo) na hindi nakasaad sa label ng sangkap.

Ayon sa ulat, ipinadala ang mga nasabing cookies sa mga tindahan sa New York, Virginia, Maryland, Pennsylvania, Washington D.C., at naging available online sa website ng Neuhaus.

--Ads--

Sa Estados Unidos, tinatayang nasa 1.6 milyon hanggang 4 milyon katao ang may wheat allergy, isang kondisyon kung saan sobrang reaksyon ng immune system sa isang environmental allergen.

Maaari itong magdulot ng pangangati, pamamaga, hirap sa paghinga, at anaphylaxis isang panganib na reaksyon na maaaring ikamatay.

Bukod pa rito, mapanganib din ang undeclared wheat sa mga taong may celiac disease.

Ito ay isang autoimmune disorder kung saan ang katawan ay nagkakaroon ng matinding reaksyon sa gluten (isang protina sa trigo), na maaaring magdulot ng sakit sa tiyan, pagkapagod, kakulangan sa iron, pananakit ng kasu-kasuan, sakit ng ulo, at pantal sa balat.

Ayon sa FDA, 150 kahon lamang ng cookies ang naibenta at wala pang naiulat na kaso ng sakit o reklamo kaugnay nito.

Ang cookies ay ipinamahagi sa pagitan ng Hulyo 21 hanggang Agosto 4, at may best before date na Enero 13, 2026.

Ayon sa Neuhaus, nalaman ang pagkakamali matapos magsagawa ng internal check kung saan natuklasang may trigo ang produkto ngunit hindi ito nakalista sa packaging.

Paalala ng FDA na kung ikaw ay may allergy o hindi hiyang sa trigo (gluten), huwag kainin ang produktong ito at ibalik ito sa pinagbilhang tindahan.