Dagupan City – Pinapaigting ngayon ng Municipal Health Office (MHO) ng Mangaldan ang kanilang “Bakuna Eskwela,” isang School-Based Immunization Program na inilunsad ng Department of Health (DOH).
Sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd), layunin ng programang ito na protektahan ang mga kabataan laban sa mga sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna, tulad ng Measles, Rubella, Diphtheria, at Human Papillomavirus (HPV).
Ayon kay Dr. Larry Sarito, Medical Officer ng MHO, kasalukuyan silang nagsasagawa ng pagbabakuna sa lahat ng paaralan sa 30 barangay ng bayan. Layunin nilang mabigyan ng sapat na bakuna ang mga bata laban sa mga nabanggit na sakit.
Ang mga bakunang ibinibigay sa mga mag-aaral ay ang Measles-Rubella (MR) para sa Grade 1 at Grade 7, Tetanus-Diphtheria (Td) para sa Grade 1 at Grade 7, at Human Papillomavirus Vaccine (HPV) para sa Grade 4 female students upang maiwasan ang cervical cancer.
Matatandaan na sa ikaapat na State of the Nation Address ng Pangulo, binigyang-diin ang pagkumpleto ng pagbabakuna sa mga bata sa bansa sa pakikipagtulungan ng DOH at DepEd.
Target ng DOH na maabot ang 95% Immunized Children sa bansa ngayong 2025 sa tulong ng LGU, komunidad, at pribadong sektor.
Sa kabilang banda, binanggit ni Mangaldan Mayor Bona Fe Devera Parayno sa naging flag raising ceremony kahapon ang iba pang serbisyong pangkalusugan ng MHO sa kanilang nasasakupan tulad ng Random Blood Sugar testing, pagbabakuna, pamamahagi ng gamot, at Health Education Campaign.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng HPV vaccine sa maagang pag-iwas sa cervical cancer sa mga kabataang babae.
Ipinagmalaki rin ng alkalde ang mga fogging at misting operation sa mga paaralan bago ang naging pasukan ng mga bata upang maiwasan ang sakit na dengue.