Dagupan City – Maayos at matiwasay na naisagawa ang 10-araw na voter registration sa lalawigan ng Pangasinan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa kabila ng inaasahang dagsa ng mga magpaparehistro, naging organisado ang daloy ng proseso sa iba’t ibang registration centers sa probinsya.
Nagpatupad ng sistematikong pila, maagang pagbubukas ng mga satellite booths, at tuloy-tuloy na serbisyo ang mga lokal na opisina ng Comelec katuwang ang mga barangay at volunteer groups.
Kasama sa mga tumanggap ng aplikasyon ang mga bagong botante, maging ang mga nais mag-reactivate, at mag-update ng kanilang voter records. Ikinatuwa rin ng mga opisyal ang aktibong partisipasyon ng kabataan, na bumubuo ng malaking porsyento ng mga bagong rehistrado.
Wala ring naiulat na aberya o kaguluhan sa buong panahon ng registration, bagay na iniuugnay ng Comelec sa maagang paghahanda at pakikipagtulungan ng mga LGU at iba pang ahensya ng gobyerno.