Sugatan ang apat na indibidwal na sakay ng kulong-kulong at motorsiklo dahil sa pagkakasangkot sa bangaan sa bayan ng Binalonan.
Naganap ito sa kahabaan ng National Highway ng Brgy. Bued.
Kinilala ang driver ng kulong-kulong na isang 39-anyos na lalaki habang ang dalawang sakay nito ay kinabibilangan ng isang 36-anyos na babae at isang bata na pawang mga residente sa bayan.
Minamaneho naman ng isang 21 anyos na lalaki ang isang motorsiklo na napag-alamang nakainom.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na ang dalawang sasakyan ay binabaybay ang daan patungong southbound outer lane kung saan ang motorsiklo ay nauuna sa kulong-kulong.
Pagdating sa lugar ng insidente, nabangga umano ang kulong-kulong mula sa likuran ng motorsiklo kaya nahulog ang mga sakay nito na nagresulta ng iba’t ibang sugat sa kanilang katawan.
Dahil dito, agad namang naisinugod ang mga biktima sa Urdaneta District Hospital para sa medikal na paggamot.
Samantala, nagpapagaling pa ang mga sangkot sa kanilang tinamo at inaasahang magkakaroon ng pag-uusap ang dalawang panig para maresolba ang nasabing insidente.