Lumagpas sa inaasahang bilang ang naging turnout ng mga bagong rehistradong botante sa Dagupan City, ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor ng Commission on Elections (COMELEC) sa lungsod.

Sa kabila ng limitadong sampung araw na registration period, itinuturing na matagumpay ang isinagawang voters’ registration kung saan ang initial na target ng kanilang tanggapan ay nasa 2,000 hanggang 3,000 lamang, ngunit halos nadoble ito sa aktwal na turnout.

Ayon kay Atty. Sarmiento isa sa mga nakitang dahilan ng mataas na turnout ay ang pagiging epektibo ng kanilang information drive.

--Ads--

Aniya, nakatulong din ang maikling panahon ng registration upang maging mas alerto at aktibo ang publiko.

Gayunman, inamin nito na hindi pa rin sapat ang 10 araw upang ma-accommodate ang lahat ng nais magparehistro at posible umanong marami pa rin ang hindi umabot sa deadline.

Dahil dito, dadaan pa sa masusing pagsusuri ang mga aplikasyon, at nakatakda ring magsagawa ng Election Registration Board (ERB) hearing para rito.

Paalala naman ni Atty. Sarmiento sa mga bagong rehistrado na ang pagpaparehistro ay unang hakbang pa lamang.

At sana ay hindi magtapos dito at pag-isipan nang mabuti kung sino ang karapat-dapat nilang ihalal.

Para naman sa mga nagnanais tumakbo sa halalan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng partisipasyon ng kabataan.