Upang maisulong ang isang malinis, presko, at ligtas sa sakit na pamayanan, opisyal nang idineklara sa pamamagitan ng isang Executive Order ang pagsasagawa ng “Labrador Clean-Up Day” tuwing unang Sabado ng bawat buwan.
Ayon kay Mika Mislang, Officer-in-Charge ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), katuwang ang Tourism Office ng bayan ng Labrador, ang deklarasyon ng nasabing programa na layuning hikayatin ang bawat mamamayan na makibahagi sa pagsisikap na mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng buong komunidad.
Ayon kay Mislang, ang sabayang paglilinis sa lahat ng barangay ay isang hakbang upang makamtan ang isang disiniplinado at responsableng pamayanan, lalo na sa usapin ng tamang pagtatapon ng basura.
Ang unang sabayang clean-up na isinagawa kamakailan ay matagumpay na nilahukan ng alkalde, bise alkalde, mga opisyal ng barangay, mga kawani ng munisipyo, at mga residente mula sa iba’t ibang barangay.
Nagpaabot naman ito ng taos-pusong pasasalamat sa mataas na antas ng pakikiisa at boluntaryong pagtutulungan ng mga mamamayan.
Ipinahayag din niya na may planong magkaroon ng mga kompetisyon sa pagitan ng mga barangay upang lalo pang mapalawak ang partisipasyon at mas mapaganda ang mga resulta ng clean-up activities.
Layunin ng inisyatiba na hindi lamang panatilihin ang kalinisan, kundi ang magkaroon ng pangmatagalang epekto sa kamalayan ng mamamayan hinggil sa tamang pangangalaga ng kapaligiran.
Sa ngayon, patuloy ang kampanya ng MENRO upang mahikayat ang bawat kabahayan, paaralan, at sektor na aktibong makilahok sa buwanang gawain.
Hinihikayat din ang pagbuo ng mga lokal na adbokasiya at inisyatiba upang lalong mapaigting ang kulturang malinis na bayan, responsableng mamamayan.