Nasawi matapos barilin sa loob ng kaniyang tanggapan sa munisipyo ang bise alkalde ng Ibajay, Aklan na si Julio Estolloso, pasado alas-9:00 ng umaga ng Biyernes, Agosto 8, 2025.
Ayon sa ulat, sinasabing nasa loob ng Sangguniang Bayan session hall si Estolloso nang dumating ang suspek na si SB member Mihrel Senatin.
May hinihingi umano itong dokumento sa bise alkalde na kalaunan ay naging sanhi ng kanilang mainitang pagtatalo.
Nasa limang putok ng baril ang narinig ng mga empleyado ng munisipyo.
Naglabasan ang mga empleyado at mga taong nakikipag-transaksyon sa munisiyo matapos marinig ang sunud-sunod na putok ng baril.
Agad na umalis ang suspek na boluntaryong umanong sumuko sa Ibajay Municipal Police Station habang isinugod naman sa Ibajay District Hospital ang biktima pero binawian din ng buhay.
Tikom pa ang bibig ng pulisya, pamilya at mga opisyal ng bayan ng Ibajay sa pangyayari.
Ang suspek at biktima ay kapwa miyembro ng local political party na Tibyog-Akean.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.