Ikinagulat ng Commission on Elections (Comelec) Dagupan ang dami ng mga bagong botante na nagtungo para magparehistro ngayong taon, ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Comelec Officer ng lungsod.
Bago magsimula ang voters registration, aminado si Atty. Sarmiento na may pangamba silang baka hindi umabot sa target na bilang ng registrants.
Sa halip na 2,000 hanggang 3,000 lang, pumalo na sa halos 4,000 ang naitalang bilang ng mga nagparehistro, at inaasahang aabot pa ito sa 5,000 bago matapos ang registration period.
Ayon sa kanya, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga registrants ay ang matibay na koordinasyon ng Comelec sa iba’t ibang stakeholders, partikular na sa mga paaralan.
Bukod dito, epektibo rin umano ang kanilang information drive na agad nagpaabot ng impormasyon sa publiko tungkol sa registration schedule.
Aniya para sa mga kabataang edad 15 hanggang 17 na nagnanais makaboto sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), hinihingi ng Comelec ang photocopy ng kanilang birth certificate, basta’t may isa sa mga magulang na botante sa Dagupan, o kaya naman ay malinaw na nakasaad ang address nila sa lungsod.
Sa ngayon, ang huling araw ng voters registration ay itinakda hanaggang Agosto 10, 2025.
Patuloy namang inaabangan ng Comelec kung tuloy ang BSKE, lalo’t wala pang pinal na batas o pirma ng postponement mula sa Kongreso.
Umaasa naman ito na sana ay matuloy na ang Barangay at SK Elections lalo na at wala namang dahilan upang ipagpaliban ito.