DAGUPAN CITY- Isinagawa na ang ikalawang araw ng pamamahagi ng relief goods sa Barangay Poblacion Oeste sa Dagupan.
Ang mga ipinamahaging ayuda ay nagmula sa calamity fund ng barangay, na bahagi ng regular na hakbang sa pagtugon sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Bawat pamilyang nasa listahan ay tumanggap ng tig-dalawang kilo ng bigas.
Ayon sa mga tagapangasiwa, layunin ng distribusyon na mabigyan ang lahat ng pamilyang naninirahan sa barangay.
May mga residente ring nagpahayag ng puna hinggil sa proseso ng pamimigay, partikular na sa usapin ng pagiging patas at sapat ng mga natanggap.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng pamunuan ng barangay na ang pamamahagi ay nakabatay sa aktwal na paninirahan sa Poblacion Oeste at hindi sa pagiging botante.
Sa ipinatutupad na sistema, lahat ng naninirahan sa barangay ay kabilang sa mga makatatanggap ng ayuda, kahit hindi rehistradong botante.
Samantala, ang mga rehistradong botante na hindi aktwal na nakatira sa lugar ay hindi isinama sa distribusyon.
Patuloy ang rolling o sunud-sunod na pamimigay ng relief goods upang masaklaw ang lahat ng kwalipikadong benepisyaryo.
Ang pamamahagi ay bahagi ng nakalaang pondo para sa emergency response ng barangay.