DAGUPAN CITY- Inaayos pa ng pamunuan ng Malasiqui Public Market ang operasyon at sistema nito, kasabay ng pag-aadjust sa mga bagong polisiya ng bagong alkalde.

Isa sa mga pangunahing layunin ng lokal na pamahalaan ay mapanatili ang kalinisan sa palengke, lalo na sa wet market, sa pamamagitan ng mga inisyatibang tumutugon sa pangangailangan ng publiko.

Ayon kay Regino Solis, Market Supervisor III, kasalukuyang pinapabilis ang mga hakbang upang masolusyunan ang ilang pangunahing isyu tulad ng kakulangan sa maayos na pasilidad, tamang waste segregation, at disiplina sa mga vendor.

--Ads--

Bilang bahagi ng solid waste management, may mga nakalinyang proyekto ang lokal na pamahalaan na layong mapabuti ang sistema ng pag-segregate ng basura.

Aniya na maaga pa lamang, bandang alas-4 ng madaling-araw, naroon na ang garbage truck upang mas mapadali ang paglipat ng mga basura mula sa palengke.

Ipinamahagi rin ang karagdagang garbage bins, inayos ang palikuran, at sinisikap mapabuti ang water supply.

Ayon kay Solis, tinatayang aabutin ng dalawang buwan bago tuluyang maresolba ang kakulangan sa tubig, ngunit pansamantalang naglagay na ng water tank sa tulong ng MDRRMO upang masuportahan ang wet market.

Sa usapin naman umano ng vendor discipline, may maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga namamahala at ng mga nagtitinda upang mapanatili ang kaayusan sa palengke.

Isa rin sa mga hamon ang parking area na kasalukuyang nasasakupan ng ilang TODA units.

Upang masolusyunan ito, plano ng LGU na patituluhan ang mga kalapit na lupang pagmamay-ari ng pamahalaan para magamit bilang karagdagang open space o parking area.