Patuloy ang pag-iikot ni DTI Region 1 sa iba’t ibang munisipyo sa rehiyon upang personal na pangunahan ang pagsusuri sa pagsunod ng mga tindahan sa umiiral na price freeze, kasunod ng pagdeklara ng state of calamity sa ilang lugar.

Ayon kay Natalia Dalaten Officer-in-Charge Assistant Regional Director ng nasabing tanggapan, abala rin ang Price and Supply Monitoring Team ng DTI sa pagtutok sa presyo ng mga pangunahing bilihin upang matiyak na walang pananamantala mula sa mga negosyante.

Ipinaliwanag ni Dalaten na kapag idineklara ang isang lugar sa ilalim ng state of calamity, awtomatikong umiiral ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa loob ng hindi hihigit sa 60 araw.

--Ads--

Ang presyo ng mga produkto ay dapat na manatili sa antas bago ang deklarasyon.

Kabilang sa mino-monitor ng DTI ang basic necessities gaya ng bigas, asukal, kape, sardinas, instant noodles, at ilang uri ng gatas. Ngunit nilinaw ni Dalaten na hindi lahat ng processed milk ay kabilang sa listahang ito.

Dagdag pa ng opisyal, malinaw na makikita ang Suggested Retail Price (SRP) sa mga retailers, kaya’t hinihikayat ang publiko na maging mapanuri sa kanilang pamimili. Anumang paglabag ay maaaring i-report sa tanggapan ng DTI upang agad na maaksyunan.

Nanawagan naman ang DTI sa publiko na agad i-report sa kanilang tanggapan ang sinumang retailer na hindi sumusunod sa price freeze upang agad itong maimbestigahan.