Hawak na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pangalan ng umano’y mga sangkot sa mga palpak na proyekto sa flood control na naging dahilan ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng bansa nitong mga nakaraang linggo.
Nabanggit ng pangulo ang pahayag sa ikatlong bahagi ng ginawang BBM Podcast na pinamagatang “Sa Likod ng SONA,” na ipinalabas nitong Lunes.
Ayon kay Marcos, may mga lumalabas nang pangalan, mga kumpanya at mga contractor na may kapalpakan sa kanilang trabaho.
Ang mga ito ay ilalagay sa blacklist at hindi na sila puwedeng makipagkontrata sa gobyerno.
Idinagdag pa niya na obligadong magpaliwanag ang mga kumpanyang ito kung paano nila ginamit ang pondong inilaan para sa mga proyekto.
Kung hindi aniya nila maipaliwanag nang maayos, ay iaakyat ito sa susunod na hakbang.
Matatandaang sa kanyang Ika-apat na State of the Nation Address noong Hulyo 28, inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng listahan ng lahat ng flood-control projects sa nakalipas na tatlong taon, at tukuyin kung alin sa mga ito ang nabigo o hindi talaga naipatupad.
Hinimok din ng Pangulo ang publiko, lalo na ang mga nakasaksi ng iregularidad sa kanilang lugar, na suriin ang listahan at tumulong sa isinasagawang imbestigasyon.