Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa publiko laban sa panganib ng rocket debris na bumagsak sa karagatang sakop ng Pilipinas malapit sa Palawan.
Ito ang kinumpirma ng PhilSA, matapos na bumagsak ang debris o mga bahagi ng Long March 12 rocket ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas malapit sa Palawan kagabi, Agosto 4.
Ang debris ay bumagsak sa loob ng 21 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 18 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park, mga lugar na sakop ng exclusive economic zone ng bansa.
Sakaling mamataan, pinapayuhan ang publiko na huwag hawakan o kolektahin ang anumang makitang debris dahil maaaring nagtataglay ito ng nakalalasong sangkap tulad ng rocket fuel, sa halip, agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad.