Dagupan City – Pinangunahan ni Malasiqui Mayor Alfe Soriano ang isang matibay na panawagan para sa pagkakaisa ng mga residente sa muling pagbangon at pag-unlad ng bayan.
Aniya kinakailangang magsimula kasi ito sa simpleng hakbang tulad ng pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at pangangalaga sa mga pampublikong instrumento na ginagamit ng lahat.
Ayon kay Soriano, ang kaayusan at disiplina ay mahalagang pundasyon upang maabot ang pangmatagalang kaunlaran.
Dito na niya binigyang diin na ang mga pasilidad tulad ng mga upuan sa parke, waiting shed, ilaw sa lansangan, palikuran, at iba pang pampublikong kagamitan ay dapat pangalagaan at gamitin nang maayos dahil pagmamay-ari ito ng buong bayan.
Kasama pa rin naman sa kaniyang adbokasiya ang pagpapaigting ng mga kampanyang nakatuon sa pagbibigay ng maayos at makataong serbisyo, pati na rin ang pagpapalaganap ng disiplina sa bawat mamamayan.
Hinihikayat din ng kanyang pamunuan ang aktibong partisipasyon ng mga barangay at kabataan sa mga programang pangkalinisan, gaya ng sabayang linis-bayan, segregation ng basura, at edukasyong pangkalikasan.