Dagupan City – ‎Umabot sa 43.5 degrees Celsius ang heat index kahapon sa Dagupan City bandang alas-dos ng hapon, ayon sa ulat mula sa PAGASA-Dagupan.

Naitala ito sa gitna ng tinatawag na monsoon break, kung saan pansamantalang humina ang habagat at muling uminit ang panahon.

Itinuturing nang danger level ang ganitong init, kaya’t mariing pinapaalalahanan ang publiko na mag-ingat, lalo na sa mga aktibidad sa labas ng bahay.

Mataas kasi ang posibilidad ng pagkakaroon ng heat cramps, heat exhaustion, at maging heat stroke kapag hindi nag-ingat.

Inirerekomenda ang paggamit ng payong o sombrero, pag-iwas sa direktang sikat ng araw sa kalagitnaan ng araw, at palagiang pag-inom ng tubig para maiwasan ang dehydration. Hinihikayat ding limitahan ang matitinding pisikal na gawain habang mataas pa rin ang antas ng init.

Bagaman kahapon pa naitala ang matinding heat index, inaasahan pa rin ang mainit na panahon sa mga susunod na araw habang hindi pa bumabalik ang ulan.

--Ads--

Kaya’t nananatiling mahalaga ang pag-iingat ng bawat isa para mapanatili ang kalusugan at kaligtasan sa gitna ng banta ng matinding init.