Muling iginiit ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang kanilang matatag na paninindigan laban sa anumang uri ng pagpapaliban ng eleksyon, partikular na sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng LENTE, ang halalan ay hindi lamang isang tradisyon, kundi isang mahalagang mekanismo ng accountability at demokratikong pagpili kung sino ang dapat mamuno sa mga mamamayan.
Aniya na sapat na ang halos dalawang taong panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal upang maisakatuparan ang kanilang mga plano.
Dagdag pa niya na hindi nasusukat ang kakayahan sa haba ng termino, kundi sa kahusayan ng plano at pagpapatupad.
Binanggit din nito ang kahalagahan ng mga barangay at SK officials, na aniya’y pinakamalapit sa taumbayan pagdating sa mga pang-araw-araw na problema at serbisyong panlipunan.
Kaya’t may konsultasyon sa bawat komunidad dahil magkakaiba ang mga suliranin sa bawat barangay.
Samantala, kahit pa may usapin ng postponement, hinikayat pa rin ng LENTE ang publiko lalo na ang kabataan na samantalahin ang nakalaang sampung araw para sa voter registration.