Nanawagan si Atty. Sonny Matula, Presidente ng Federation of Free Workers (FFW), na bigyang-prayoridad ng Kongreso ang mga panukalang batas na naglalayong itaas ang sahod ng mga manggagawa, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyong pangkabuhayan.
Kabilang sa mga isinusulong sa Kamara ay ang ₱1,200 na minimum wage at ₱200 wage hike bilang panimulang hakbang patungo sa family living wage, o ang sahod na sapat upang matustusan ang batayang pangangailangan ng isang pamilyang Pilipino.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Matula na hindi agad dapat ipilit ang ₱1,200 wage hike, lalo na’t posibleng mahirapan ang maliliit na negosyo sa biglaang pagtaas ng pasahod.
Kung saan tinuligsa ng nasabing grupo ang kasalukuyang sistema ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), na aniya’y hindi tumutugon sa aktwal na pangangailangan ng mga manggagawa, lalo na sa mga lalawigan.
Lalo na at hindi patas ang kasalukuyang sistema, sa maraming probinsiya, mas mataas pa minsan ang presyo ng gasolina at kuryente kaysa sa Metro Manila, pero mas mababa pa rin ang sahod.
Kaya’t panawagan niya na dapat pambansa ang usapan sa sahod, hindi kada rehiyon lamang.
Samanatala, isa pa sa kanilang prayoridad ang seguridad sa trabaho (security of tenure).
Nanawagan si Matula na gawing regular ang mga manggagawang may regular na gawain.
Dahil dito ay patuloy nilang isinusulong ang mga panukalang batas para sa kapakanan ng mga manggagawa at nananawagan sila sa mga mambabatas na bigyang-pansin at prayoridad ang mga ito.