Pinag-aaralan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang mga hakbang upang higit pang matulungan ang mga magsasaka sa lalawigan.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Lambino, layunin ng lalawigan na bumuo ng bagong programa ng subsidiya at procurement assistance para sa mga magsasaka, partikular na ang mga kabilang sa Corporate Farming Program ng probinsya.

Aniya, kasalukuyan ng tinitingnan ang mga best practices sa karatig na probinsiya upang mas mapalakas pa ang suporta sa ating mga magsasaka.

--Ads--

Kabilang sa mga programang isinasaalang-alang ay ang mga “buy-high, sell-low” loan programs, taunang paglalaan ng pondo para sa pagbili ng palay sa presyong mas mataas kaysa sa umiiral na merkado, at ang pagpapatupad ng mga komprehensibong agricultural assistance programs.

Ang “Buy-High, Sell-Low” loan program ay isang uri ng intervention program ng pamahalaan o lokal na yunit ng gobyerno para sa mga magsasaka, kung saan binibili nila ang ani ng palay sa mas mataas na presyo kaysa sa prevailing market rate.

Layunin ng lalawigan na i-localize o iakma ang mga best practices na ito upang maging angkop sa aktwal na kalagayan ng agrikultura sa mga bayan at syudad sa Pangasinan.

Dagdag pa ni Lambino, maaaring magkaroon din ng isang tripartite agreement sa pagitan ng National Food Authority (NFA), mga samahan ng magsasaka, at ng pamahalaang panlalawigan.

Ang kasunduang ito ang magiging pundasyon para sa pagbuo ng mga ordinansang kinakailangan para sa pagpapatupad ng naturang mga programa.