Dagupan City – Sinasamantala na ng ilang motorista sa lungsod ng Dagupan ang magandang panahon para makabawi sa 2 linggong pahirapan ang kita.
Ayon sa Tricycle Driver na si Mackie Diaz, ito ang nakikita nilang pagkakataon para muling makabangon sa pamamasada.
Noong naranasan kasi aniya ang sunod-sunod na bagyo ay naging matumal at halos wala silang kinita.
Ibinahagi naman nito ang kaniyang naging paraan kapag nakakakita ng mataas na lebel na tubig-baha.
Aniya, dumadaan na lamang ito sa mga tuyong kalsada, dahil minsan na niyang naranasang masiraan ng tricycle nang isulong nito at idaan sa tubig-baha.
Pag-amin niya, bagama’t matumal ang kanilang pamamasada ngayon, tinitiis pa rin nila aniya dahil pandagdag ito sa kanilang pambili ng pagkain, at pambaon sa eskwela ng kaniyang mga anak.