Dagupan City – Mahigpit na ipinatupad ang Task force disiplina sa bayan ng Bayambang.
Pinangunahan ito ni Dr. Cezar T. Quiambao, Special Assistant to the Office of the Mayor at Chairman na may layuning mapanatili ang kaayusan at disiplina sa buong bayan sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas at pagpapataw ng karampatang parusa sa sinumang lalabag.
Katuwang sa inisyatibong ito ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Highway Patrol Group, Philippine National Police, Land Transportation Office, at ilang miyembro ng Philippine Army.
Naka-deploy naman ang mga ito sa mga piling lugar sa Bayambang, partikular sa mga kalsadang patungo sa sentro ng bayan.
Na-deputize rin ang ilang piling kawani ng lokal na pamahalaan upang magkaroon ng kapangyarihang mag-isyu ng ticket sa mga lalabag sa batas.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na sa tulong ng Task Force Disiplina, mas magiging ligtas, maayos, at disiplinado ang pamumuhay ng mga mamamayan sa Bayambang.