Natagpuang wala nang buhay ang 20-anyos na babae sa Brazil na may 26 anim na piraso ng iPhone na nakadikit sa kaniyang katawan.
Ayon sa ulat, posibleng sangkot ang biktima sa iligal na pagpupuslit o smuggling ng mga naturang gadget.
Lumalabas din na naganap ang insidente noong July 29, habang ang babae ay sakay ng isang bus sa Guarapuava, Brazil. Habang nasa biyahe, bigla itong nahirapang huminga.
Agad naman siyang tinulungan ng mga paramedic sa loob ng 45 minutes, ngunit hindi na naisalba ang kanyang buhay.
Dito na lumantad na walang nakitang iligal na droga sa katawan at bagahe ng biktima, ngunit ang ikinagulat ng mga awtoridad ay ang 26 na piraso ng mga segunda manong iPhone na nakadikit sa kanyang balat.
Ang mga cellphone ay kinuha na ng mga awtoridad para sa karagdagang imbestigasyon.
Isa sa mga pangunahing anggulo na tinitingnan ng pulisya ay ang posibilidad na ang babae ay ginamit bilang “mule” o tagapagdala para sa isang smuggling operation.
Sa kasalukuyan kasi ay tumataas ang kaso ng smartphone smuggling sa Brazil, kung saan marami sa mga gadget ay nagmumula sa Paraguay, na malapit sa pinagmulan ng bus na sinasakyan ng biktima.
Wala pa umanong inilalabas na pagkakakilanlan ng babae habang hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng forensic examination.