DAGUPAN CITY- Pumalo na sa P54 billion ang ikinalugi ng mga magsasaka sa bansa.

Pinabulaanan ni Magsasaka Partylist Chairman Argel Cabatbat na hindi ang P20/kilo ng bigas ang tunay na nagpapalugi sa mga magsasaka kundi ang mga batas pang-agrikultura at ang kamakailan pananalasa ng tatlong bagyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, nilinaw naman ng Department of Agriculture (DA) na kaonti lamang ang nabibigyan ng P20/kilong bigas habang, kakasuhan naman nila ang mga rice mill traders na mambabarat sa palay ng mga magsasaka.

--Ads--

Aniya, matagal na nilang ipinaglalaban ang pagbago ng Rice Tarrification Law upang malimitahan na ang mga importasyon at mabigyan ng kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas.

Sa tuwing nagdedeklara lamang ng National Emergency naibebenta ng NFA ang nakaimbak na bigas sa kanilang storage at nauuwi lamang ito sa pagkabulok.

Maliban pa riyan, bumagsak ang presyo ng palay at tumaas naman sa bigas dulot ng Executive Order no. 62.

Nagdulot ito ng pagsobra sa importasyon ng bigas ngunit kaonti lamang ang nakuhang pondo o taripa mula sa mga ito.

Dahil sa mga ito, kasabay pa ng pananalasa ng bagyo, nalugi na ang mga magsasaka at nabaon pa sa utang.

Ani Cabatbat, magpapalugi rin ito sa produksyon ng lokal na agrikultura dahil upang makabawi sa pagkalugi at makabangon mula sa pangungutang ay pinipili na lamang ng mga magsasaka na ibenta ang kanilang lupang sinasakahan.

Habang malaking problema naman ang mas babagsak sa mga magsasakang walang sariling lupain.

Humihiling siya sa gobyerno na mapakinggan ang kanilang suhestiyon at huwag nang ibenta sa mga magsasaka ang P20 na bigas dahil mula rin naman ito sa kanilang palay.

At sa pondo ng mga ahensya ng gobyerno ay maiging maging prayoridad ang mga maaapektuhan ng pagkalugi.