Dagupan City – Pinaigting ng Provincial Veterinary Office (PVO) ng Pangasinan ang pagbabantay sa mga hayop na pumapasok sa lalawigan upang maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) at Avian Influenza (AI).
Ayon kay Dr. Arcely Robeniol, Chief ng PVO, ang pagpapalabas ng dalawang executive order gaya ng EO No. 0051, Series of 2025 para sa poultry products at EO No. 0052, Series of 2025 para sa mga baboy na pinirmahan ni Gov. Ramon “Monmon” Guico III noong July 8 ngayonh taon ay naglalayong higit na maprotektahan ang probinsya mula sa mga nakakahawang sakit.
Sa ilalim ng mga EO, mas mahigpit ang pagsusuri sa mga hayop at produkto ng hayop sa mga quarantine checkpoints sa lahat ng border ng Pangasinan.
Sinusuri ng opisina ang mga dokumento, gaya ng Animal Health Certificate, at sinusuri ang kalagayan ng mga hayop upang matiyak na walang sintomas ng ASF o AI habang ang mga hayop na may mapaghihinalaang sakit ay agad na ihihiwalay at susuriin ng mga beterinaryo.
Nilinaw ni Dr. Robeniol na wala pang naitalang kaso ng ASF at AI sa Pangasinan ngunit nananatili sila sa pagiging alerto.
Samantala, Nanawagan siya publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagpapabakuna sa kanilang mga hayop at pakikipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng beterinaryo kung mayroong mapaghihinalaang may sakit na hayop.