Tinututukan ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Pangasinan 3rd District Engineering Office ang pagsasaayos ng mga malalang butas at bako-bakong kalsada sa ilang bahagi ng national road sa bayan ng Sison.

Sinamantala ng mga tauhan ng DPWH ang magandang panahon upang maisagawa ang mga kinakailangang pagkumpuni.

Ayon kay Engr. David Palaganas, Chief ng Maintenance Section ng nasabing opisina na ang kalsada sa Sison ang pinakamalubha at pinakaapektadong daanan sa kanilang nasasakupan dulot ng nagdaang pag-ulan at pagiging luma na ng aspalto.

--Ads--

Gumagamit sila ng mga pamamaraan tulad ng squaring bago lagyan ng aspalto o premix patching upang matakpan ang mga butas.

Umaabot sa tatlong kilometro ang haba ng apektadong kalsada mula Barangay Asan Sur hanggang sa bahagi ng Barangay Agat.

Upang maiwasan ang mga aksidente, naglagay na sila ng mga babala at reflectorized barricades upang makita ito ng mga motorista, lalo na sa gabi.

Inaasahan na magkakaroon ng mas malawakang rehabilitasyon at paglalagay ng bagong aspalto sa kalsada sa sandaling mas gumanda pa ang panahon dahil nakahanda na aniya ang mga kagamitan at tauhan para sa proyektong ito.