Nagbabala ang Department of Health (DOH) Region 1 sa posibleng pagtaas pa ng kaso ng leptospirosis at dengue sa rehiyon kasunod ng mga pagbaha dulot ng mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region 1, hindi pa narereflect sa datos ngayong 2025 ang buong epekto ng naganap na pagbaha.

Subalit, mula sa datos mula Enero hanggang Hulyo 12 pa lamang, naitala na ang 92 kaso ng leptospirosis sa buong rehiyon malayo sa 34 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Habang labintatlong (13) pasyente naman ang nasawi sa rehiyon.

--Ads--

Ilan naman sa mga sintomas ng leptospirosis ay ang lagnat, pananakit ng kalamnan, panlalata, at paninilaw ng mata.

Kapag nararanasan ang mga ito, agad na kumonsulta sa doktor upang masuri at magamot kaagad.

Dagdag pa niya na bagama’t may mga antibiotic na maaaring inumin upang makaiwas sa leptospirosis, ngunit kailangang may gabay ng doktor bago ito inumin.

Samantala, tumaas din ang kaso ng dengue sa Region 1 kung saan umabot sa 4,120 ang kabuuang kaso ng dengue noong Hulyo 12, na mas mataas ng 82% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Muling paalala ni Dr. Bobis sa publiko, kapag nakaramdam ng sintomas, ay pumunta agad sa pinakamalapit na health center.

Lalo na’t maaaring ikasawi ang dengue kung hindi ito maagapan.

Bukod dito ay ipinapaalala rin ng niya ang 4 na strategy kontra dengue:

Taob – Itumba ang mga gamit na maaaring pamugaran ng lamok, Tuyo – Siguraduhing tuyo ang paligid, Taktak – Itapon ang tubig sa mga lalagyan at Takip – Takpan ang mga imbakan ng tubig.