Mariing pinuna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na anila’y puno ng “pambobola” at mga datos na malayo sa tunay na kalagayan ng bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis ang Chairperson ng nasabing grupo ang mga binigkas na pangako ni PBBM ay hindi sumasalamin sa karanasan ng karaniwang mamamayan, lalo na sa hanay ng mga manggagawa.

Aniya na hindi nito inilalarawan ang mga batayang problema ng lipunan na matagal nang hindi natutugunan.

--Ads--

Binatikos din niya ang kawalang pagbanggit sa mahahalagang isyu tulad ng dagdag-sahod at tumitinding paglabag sa karapatang pantao.

Bukod dito mariin niyang binanggit na ang umano’y palpak na flood control programs ng pamahalaan ay hindi inaako ng Pangulo ang pananagutan bagkus ay isinisisi sa iba.

Samanatala, isa rin sa mga kinuwestyon niya ay ang pinalalabas na tagumpay sa pagbebenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo ngunit aniya ay tila idinisenyo lamang ito para sa SONA ng Pangulo.

Kaugnay naman sa transportasyon, sinabi niyang walang malinaw na pangmatagalang solusyon sa tinatawag na transport crisis.

Hinimok naman niya ang publiko na manindigan at ipaglaban ang pagkakaroon ng gobyernong tunay na kumakalinga, lalo na sa panahon ng krisis at kalamidad.

Dahil ang problema ng isang sektor ay problema ng lahat.