Tiniyak ng PAMANA Water Dagupan na nananatiling normal ang operasyon ng suplay ng tubig sa lungsod sa kabila ng naranasang masamang panahon dulot ng nagdaang bagyo.

Ayon kay Marge Navata, tagapagsalita ng PAMANA Water, hindi naapektuhan ang kabuuang operasyon ng kanilang water supply system, maliban sa panandaliang pagkaantala sa pumping station sa isang barangay.

Sa kasalukuyan, wala pa umanong natatanggap na ulat ang kanilang tanggapan hinggil sa pagkakaroon ng low water pressure o pagkaantala ng suplay mula sa mga residente.

--Ads--

Gayunman, umaasa sila sa aktibong pakikipag-ugnayan ng publiko upang agad na maresolba ang anumang suliranin.

Ipinagmalaki naman ni Navata na mayroong built-in na chlorine treatment ang lahat ng pumping stations ng PAMANA Water at bago pa man lumabas ang tubig mula sa kanilang pumping station, ay dumadaan ito sa standard na chlorination na ligtas inumin.

Subalit, bilang pag-iingat, pinapayuhan pa rin ang mga kabahayan na pakuluin ang tubig lalo na kung may hinala na nagkaroon ng kontaminasyon dahil sa sirang tubo o tagas.

Nanawagan din ito sa publiko na magtiwala sa kanilang serbisyo at 24/7 silang nakaantabay para tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig.

Dagdag pa niya, kapag may naramdamang problema o pagkaantala sa tubig, agad lamang makipag-ugnayan sa kanilang himpilan upang mabigyan ng agarang tugon.