Dagupan City – Naging balakid at pahirap para sa ilang mga tindera’t tindero sa Malimgas market ang mataas na tubig baha sa Dagupan City.

Ayon sa tindera ng tsinelas na si Faisal Mama, dahil dito ay naging matumal ang kaniyang paninda lalo na’t nakapwesto ito sa may bahagi ng downtown.

Kung ikukumpara kasi aniya sa mga normal na araw, umaabot ang kaniyang kita sa P1,500 sa isang araw ngunit ngayon ay umaabot na lamang sa P400.

--Ads--

Sa kabila naman ng pakikipag-sapalaran ng fish vendor na si Beng Quebec, kahit pa umaabot sila ng hapon, ang dating P900 ngayon ay swertehan na lamang kung maabot pa ito.

Kabaliktaran naman ang naging pananaw ni Sonny Cayabyab dahil aniya, nagkakaroon ito ng karagdagang kita sa pamamagitan ng pagtawid sa mga mananakay o mamimili gamit ang kariton upang hindi lumusong ang mga ito sa tubig-baha.

Bawa’t sakay ay umaabot sa P20 hanggang P40 depende sa layo.

Sa katunayan aniya, umaabot pa P1000 ang kaniyang kinikita sa isang araw.