DAGUPAN CITY- Binigyan ng gradong “zero” ng ilang kasaping manggagawa ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, malaking pagkukulang ang hindi pagbanggit ng Pangulo tungkol sa dagdag sahod para sa mga manggagawa, lalo na’t ito ay matagal nang isinusulong sa loob ng 19th Congress.

Aniya, sayang ang pagkakataon dahil maaaring nailatag na ang mga kondisyon sa SONA kung mayroong malinaw na intensyon ang administrasyon na tugunan ito.

--Ads--

Dagdag pa niya, bagamat inilahad ng Pangulo na patuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa, hindi umano ito nararamdaman ng mga ordinaryong mamamayan, partikular na ng mga manggagawa at mga nasa laylayan ng lipunan.

Kabilang rin sa mga nabanggit sa talumpati ng Pangulo ay ang mga polisiya ukol sa paghahanap ng trabaho, pamumuhunan sa mga critical minerals, at iba’t ibang sektor, ngunit kapansin-pansin ang kawalan ng konkretong plano sa pagtataas ng sahod.

Umaasa siya na hindi lamang ito salita, at sana ay seryosohin ng Pangulo ang kaniyang pahayag na haharangin niya ang mga tiwaling gawain sa pamahalaan.