Mga kabombo! Gaano nga ba kalawak ang imahinasyon mo?
Kaya ba nitong manloko ng ibang tao?
Arestado kasi ang isang Indianong lalaki na nagtayo ng embassy kung saan nagpanggap siyang ambassador ng pekeng bansa upang makapanloko ng investors.
Ang suspek ay kinilalang si kinilalang si Harshvardhan Jain na nagtayo ng kanyang pekeng embahada sa isang bungalow sa Ghaziabad.
Para maging kapani-paniwala, nagpanggap siyang isang mayaman at maimpluwensyang ambassador.
Gumamit siya ng mga pekeng dokumento, at naglagay pa ng mga watawat ng “Ladonia”, “Poulva”, “Seborga” at “Westarctica” sa labas ng gusali.
Dahil dito, sinalakay ng Special Task Force (STF) ng Uttar Pradesh Police ang pekeng embahada at dito na nga naaresto si Jain.
Nakuha mula sa kanya ang apat na sasakyan na may pekeng diplomatic number plates, mga pekeng “diplomatic passport” para sa 12 kathang-isip na bansa, mga pekeng selyo para sa 34 na iba’t ibang bansa, salaping nagkakahalaga ng 44 lakh rupees (2.9 million pesos), at koleksiyon ng mga mamahaling relo.
Ayon sa pulisya, nilinlang ni Jain ang mga indibidwal at kompanya sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga trabaho at business deal sa mga pekeng bansa kapalit nang malaking bayad.
Pinaghihinalaan din si Jain ng money laundering sa pamamagitan ng mga pekeng kompanya sa ibang bansa tulad ng United Kingdom, Mauritius, at United Arab Emirates.