Kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo bukas, iginiit ni Roberto Ballon, Chairperson ng Katipunan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, na taun-taon ay umaasa sila na mabanggit at matugunan ang mga mainit na isyung kinakaharap ng sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Aniya, mahalaga ring mapakinggan hindi lamang ang mga nagawa kundi pati ang mga konkretong hakbang na maaaring gawin ng gobyerno para sa kanilang sektor.
Isa sa pangunahing hinaing ng kanilang hanay ay ang patuloy na panghihimasok ng malalaking commercial fishing vessels sa kanilang municipal waters isang problemang matagal na nilang inilalapit sa pamahalaan.
Kaya’t kung bibigyan nila ng grado ang Pangulo ay nakabatay sa kanilang aktwal na karanasan kung saan batay sa kanilang nararamdaman ngayon, grado na 7 sa 10 ang ibinibigay nila sa Pangulo isang palatandaan na may mga nagawa na, ngunit marami pa ang kailangang isulong.
Nanawagan din siya na sana’y pumili ang Pangulo ng mga karapat-dapat na mamuno sa mga departamento, partikular na sa Department of Agriculture at
Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), upang matutukan ang mga problemang dinaranas ng mahihirap na sektor.
Umaasa rin silang isusulong ang mga batas at programang tunay na magbibigay-lunas sa matagal nang suliranin ng mga mangingisda at magsasaka.