DAGUPAN CITY- Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Mangaldan bukas, araw ng Lunes, (Hulyo 28, 2025). Kasama rin sa kanselasyon ang pasok sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Batay sa inilabas na executive order na pirmado ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno, hakbang ito bilang pag-iingat sa inaasahang matinding pag-ulan dulot ng habagat.
Sa ulat ng DOST-PAGASA, nakataas sa Yellow Rainfall Warning ang buong lalawigan, kung saan posibleng umabot sa 50 hanggang 100 millimeters ang ulan na maaaring magdulot ng pagbaha, lalo na sa mga mabababang lugar.
Bagama’t walang pasok sa mga opisina ng LGU, tuloy ang trabaho ng mga ahensyang may kinalaman sa kalusugan, kalamidad, at iba pang serbisyong pang-emerhensiya.
Nasa pasya naman ng mga pribadong kumpanya kung susunod sila sa suspensyon.
Pinapayuhan ang mga magulang at estudyante na makipag-ugnayan sa kani-kanilang paaralan para sa mga anunsyo ukol sa alternative learning.
Inaasahan ang patuloy na pag-ulan hanggang kinabukasan. Hinihikayat ang publiko na manatiling alerto at sumubaybay sa opisyal na anunsyo ng lokal na pamahalaan.