Kinumpirma ng state-run Ekhbariya TV ng Syria na muling magkikita ang mga opisyal ng Syria at Israel matapos mabigong makamit ang isang pinal na kasunduan sa pag-uusap na ginanap sa Paris na may pagpapagitna ng Estados Unidos, kaugnay ng tumitinding tensyon sa katimugang bahagi ng Syria.
Noong Biyernes, kinumpirma rin ni U.S. envoy Tom Barrack na tinalakay ng mga opisyal mula sa Syria at Israel ang mga paraan upang mapahupa ang sigalot sa rehiyon sa naganap na pulong noong Huwebes.
Kinumpirma rin ng Ekhbariya na kabilang sa delegasyon ng Syria ang mga kinatawan mula sa foreign ministry at intelligence sector.
Sa mga nagdaang linggo, daan-daang katao ang iniulat na nasawi sa mga armadong sagupaan sa lalawigan ng Sweida, kung saan sangkot ang mga mandirigmang Druze, mga tribong Sunni Bedouin, at puwersa ng pamahalaan.
Naglunsad ng mga airstrike ang Israel upang pigilan umano ang malawakang pagpatay sa mga Druze na isinasagawa ng Syrian government.
Ang tensyon ay patuloy na hamon kay Interim President Ahmed al-Sharaa, na sinisikap ipanumbalik ang katatagan at sentralisadong pamahalaan ng bansa, sa kabila ng kanyang lumalalim na ugnayan sa Estados Unidos at mga nagsisimulang ugnayang pangseguridad sa Israel.
Layunin ng pulong ang paunang konsultasyon upang mapababa ang tensyon at buksan ang mga linya ng komunikasyon, lalo na’t nag-umpisa ang panibagong eskalasyon noong Disyembre.
Gayunman, iginiit ng delegasyon ng Syria na Israel ang may pananagutan sa paglala ng sitwasyon, at binalaan na ang patuloy na “mapanghamong polisiya” ng Israel ay nagbabantang guluhin ang buong rehiyon.