DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa Rehiyon 1 ngayong taong 2025.

Sa pinakahuling tala ng Department of Health, umabot na sa 84 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng sakit sa rehiyon, habang labintatlo naman ang nasawi.

‎Pinakamaraming naitalang kaso ang lalawigan ng Pangasinan, na sinundan ng La Union, Ilocos Sur, at Ilocos Norte.

Napag-alamang madalas silang lumusong sa baha o nagtatrabaho sa mga lugar na may kontaminadong tubig.

Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na karaniwang nakukuha sa paglusong sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga. Ilan sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng katawan, pamumula ng mata, at paninilaw ng balat.

Pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na magsuot ng proteksiyon gaya ng bota at guwantes kung kailangang lumusong sa baha. Mahalaga rin ang agarang pagpapatingin sa doktor kapag nakaramdam ng sintomas, lalo na kung may kasaysayan ng paglusong sa tubig-baha.

‎Nagsasagawa na rin ng mga community awareness campaign ang mga lokal na pamahalaan para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng sakit.

Sa ngayon, patuloy ang pagbabantay ng DOH sa mga ospital at barangay health center sa buong rehiyon upang matiyak ang maagap na pagtugon sa mga bagong kaso.