Umaabot sa kabuoang mahigit P5.2 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura habang nasa kabuoang P969,800 ang halaga ng pinsala sa livestock sa lalawigan ng Pangasinan na epekto ng pinagsamang Southwest Monsoon at Tropical Cyclone “CRISING” ayon sa inisyal na tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO).
Ayon kay Pangasinan vice governor Mark Ronald Lambino, kabuoang P155 million naman ang halaga ng pinsala sa infrastructure.
Karamihan sa mga nasira ay mga pananim na palay dahil may mga bagong tanim.
May mga napaulat ding mga ilang high value crops gaya ng sibuyas partikular sa Central Pangasinan.
Tiniyak naman nito na nakaalerto ang mga PDRRMO Personnel and SAR Team sa gitna ng nararanasang pagbaha dito sa probinsya.
Samantala, tiniyak ni vice governor Lambino na masusing binabantayan ngayon ang pagbaba ng tubig mula sa upper Agno kung saan ay papasok sa Marusay River at ibang river system sa lalawigan.
Aniya, ang Marusay River ay nasa critical level na kaninang umaga habang binabantayan naman ang Camiling river dahil kapag tumaas ito ay maaaring maapektuhan ang bayan ng Mangatarem, Aguilar at Bugallon.
Kasama ring binabantayan ang Sinucalan River at Pantal River dito sa lungsod ng Dagupan.
Samantala, nilinaw ni Lambino na ang tubig na nanggaling sa river system ng Nueva Ecija ang nagdulot ng pagbaha sa mga southern barangay sa bayan ng Umingan patungo sa ilang barangay sa Balungao.