Dagupan City – Pumalo na sa higit 16,500 indibidwal at inaasahang madaragdagan pa ang inilikas matapos ang nangyaring malawakang pagbaha sa bayan ng Umingan, Pangasinan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Umingan Coun. Edgar Rafael Tumbocon, nasa higit 6,000 pamilya ang apektado mula sa 40 barangay,

Kung kaya’t hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsusumikap ng bayan na muling makabangon sa nangyaring sakuna.

--Ads--

Sa ngayon kasi aniya umabot na sa tinatayang P4.5 Milyon na ang pinsala na naitala sa imprastraktura habang aabot naman sa higit P2 Milyon ang pinsala sa value crops.

Kaugnay nito, patuloy ang naman aniya ang kanilang isinasagawang paglilinis sa bayan katuwang ang Bureau of Fire Protection o BFP na siyang nangunguna sa ‘flashing’ sa mga kakalsadahang nabalot ng putik.

Matatandaan na idineklara ng munisipalidad ng Umingan ang state of calamity matapos ang malakas na pag-ulan dala ng Tropical Storm Crising na nagdulot ng mga pagbaha sa buong bayan.

At isa nga sa mga nakikitang nakadagdag sa lebel ng tubig kung bakit nangyari ang malawakang pagbaha ay dahil sa late opening ng floodgates, na naging dahilan ng pag-apaw ng Banila River.

Ngunit paglilinaw ng konsehal, huwag munang magsisihan dahil patuloy pa rin ang isinasagawaang imbestigasyon ukol dito.