Dagupan City – Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang pagpapatupad ng Department of Education na DepEd Order No. 22, series of 2024 o Revised Guidelines on the Suspension of Classes and Work in Schools.
Kung saan nagiging awtomatikong suspendido ang klase sa Kindergarten sa mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1.
Sa ilalim naman ng Signal No. 2, awtomatikong walang pasok sa face-to-face classes mula Kindergarten hanggang Junior High School (Grade 10) sa mga apektadong lugar.
Gayunman, ipagpapatuloy ang edukasyon sa pamamagitan ng modular distance learning, performance tasks, projects, o make-up classes alinsunod sa kanilang Learning and Service Continuity Plan (LSCP).
Samantala, kapag nasa ilalim ng Signal No. 3 o mas mataas pa, awtomatikong suspendido ang lahat ng klase at trabaho sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar.
Nilinaw sa bagong order na hindi na kailangan ng deklarasyon mula sa mayor o ibang opisyal upang ipatupad ang mga suspensyong ito.
Sa ganitong paraan, mas mabilis na maipatutupad ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.